Hindi na papatawan ng parusa ng Women’s Tennis Association (WTA) ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos nitong piliing irepresenta ang Pilipinas sa 20th Asian Games sa halip na lumahok sa WTA 1000 China Open.
Ibinunyag ito ni Philippine Tennis Association (Philta) Executive Director Tonette Mendoza sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Sports.
Obligado sana si Eala na lumahok sa nasabing kompetisyon sa ilalim ng mga patakaran ng WTA, kung saan maaari siyang mapatawan ng $10,000 na multa at pagkakait ng ranking points.
Naging maunawain naman ang organisasyon nang mabatid na nais ng atletang makakuha ng direktang slot para sa 2028 Los Angeles Olympics.
Nagpasa rin ang WTA ng mga bagong probisyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga manlalarong nagnanais maglingkod sa kanilang sariling bansa.
Sa kasalukuyan, nagpapahinga muna si Eala bago sumabak sa WTA 1000 Wuhan Open sa China na gaganapin mula Oktubre 12 hanggang 18.











