-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala si Senator Panfilo “Ping” Lacson na maaaring humantong sa isang constitutional crisis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung magkakaroon ng kakulangan sa bilang ng mga senator-judges dahil sa posibleng preventive suspension o pagkakadetine ng ilang senador kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control.

Dahil dito, iminungkahi ni Lacson na pag-aralan ang posibilidad na payagang gampanan ng mga suspendido o nakadetineng senador ang kanilang tungkulin bilang senator-judges sa impeachment court, kahit pansamantalang hindi sila makapagtrabaho bilang mga mambabatas.

Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na bagama’t iisa ang komposisyon ng Senado at ng impeachment court, maaaring magkaroon ng legal na interpretasyon na magkaibang entidad ang dalawang institusyon.

“Kung hiwalay na entidad ang impeachment court at Senado, maaaring ang suspensyon ay sumasaklaw lamang sa kanilang tungkulin bilang senador at hindi bilang senator-judge,” ani Lacson.

Ipinaliwanag niya na kung sakaling umabot sa siyam na senador ang masuspinde o makulong, 15 na lamang ang matitirang miyembro ng impeachment court. Sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangan ang boto ng 2/3 ng lahat ng senador, o 16 na boto, upang mahatulan ang isang opisyal sa impeachment proceedings.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Lacson, kung pahihintulutan ng hukuman, maaaring dumalo sa mga pagdinig ang mga nakadetineng senador sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Isa rin sa mga nakikitang opsyon ng senador ang pansamantalang pagpapaliban sa impeachment trial hanggang matapos ang 90-araw na preventive suspension ng mga maaapektuhang senador.

Sinabi niyang mahalagang mapag-usapan na agad ang mga ganitong posibilidad upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga legal na eksperto na suriin ang mga implikasyon nito bago pa man mangyari ang naturang sitwasyon.

Samantala, tinutulan ni Lacson ang pahayag ng dating Senate President Alan Peter Cayetano na maaaring ibaba sa 12 ang kinakailangang bilang ng boto para sa conviction o acquittal sa impeachment trial.

Binigyang-diin ng senador na malinaw ang itinatadhana ng Konstitusyon na kinakailangan ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado upang mahatulan ang isang opisyal na nililitis sa impeachment court.