Tiniyak ng Iran sa Pilipinas na ligtas na makakadaan ang mga barkong may bandila ng Pilipinas, at lahat ng Filipino seafarers sa Strait of Hormuz, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, Abril 02, 2026.
Apektado ang nasabing daungan dahil sa patuloy na digmaan sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
Ayon sa DFA, naganap ang kasunduang ito matapos ang phone conversation nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro at Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Aragchi.
Sinabi ng DFA na tiniyak ng Iran na papayagan ang ligtas, ‘walang hadlang, at mabilis na pagdaan ng mga barko ng Pilipinas sa nasabing daungan.
Ito ay kasunod ng hiling ng Pilipinas na ituring bilang “non-hostile country” upang matiyak ang ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz, na nagdadala ng halos 20% ng pandaigdigang langis at liquefied natural gas.
Ayon pa sa DFA, mahalaga ang hakbang na ito para maprotektahan ang mga seafarers at matiyak ang seguridad sa enerhiya ng bansa, lalo na’t mataas ang presyo ng langis na nag-udyok sa Pilipinas na ideklara ang state of national energy emergency.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mainit at bukas ang naging pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig.
Kasama rin sa pagpupulong si Energy Secretary Sharon Garin at Iranian Ambassador Yousef Esmaeilzadeh.
Nagkasundo ang dalawang bansa na iproseso ang lahat ng kahilingan ng pamahalaan sa pamamagitan ng opisyal na diplomatic channels upang mas mapabilis ang tugon sa mga ito.











