Isinusulong ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development ang malawakang reporma sa pamamahagi ng ayuda ng gobyerno, kabilang ang pagbawas sa mga dokumentong hinihingi at pagharang sa pakikialam ng mga pulitiko sa proseso.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Chairperson Senador Erwin Tulfo na layon ng panukalang batas na gawing permanente ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DPWH), at sabay na pasimplehin ang paraan ng pagkuha ng tulong.
Sa ilalim ng panukala, dalawang pangunahing dokumento na lamang ang kakailanganin ng mga benepisyaryo, partikular sa medical assistance: isang valid ID at kaukulang hospital bill o medical record. Target nitong alisin ang mga requirement tulad ng Certificate of Indigency, barangay clearance, notarized affidavit, Social Case Study Report, at maging marriage certificate sa ilang uri ng tulong.
Ayon sa senador, ang kasalukuyang sistema ay hindi lamang mabagal kundi nagiging daan din sa pamumulitika, dahil napipilitang dumaan ang mga nangangailangan sa barangay para sa indigency certificate—isang dokumentong madalas may pangalan at larawan ng mga lokal na opisyal.
Binanggit ng komite na ang ganitong sistema ay naglalagay sa mga benepisyaryo sa alanganin, lalo na tuwing panahon ng halalan, kung kailan nagiging sensitibo ang pamamahagi ng tulong-pinansyal.
Kinumpirma naman ng DSWD na kapag naisabatas ang panukala, plano nitong iangat ang AICS bilang isang hiwalay na bureau upang mapabuti ang pamamahala, staffing, at implementasyon ng programa sa buong bansa.
Kasabay nito, hinimok ni Tulfo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pabilisin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakarang nagbabawal sa presensya ng mga pulitiko sa pamamahagi ng ayuda, alinsunod sa 2026 General Appropriations Act.
Samantala, bilang tugon naglabas ang DILG ng Memorandum Circular No. 2026-066 na tahasang nagbabawal sa paglalagay ng pangalan, larawan, o anumang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga programang pinopondohan ng pambansang pamahalaan.










