-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Senador Juan Miguel Zubiri na kanyang kinikilala ang sarili bilang minority bloc ng Senado kasabay ng nagpapatuloy na reorganization ng Mataas na kapulungan.

Ayon kay Zubiri, nagpasya siyang mag-abstain sa naunang botohan upang magkaroon siya ng malayang pagdedesisyon sa mga usaping mahalaga para sa mamamayan.

“Nag-abstain lang ako para I have a free hand to vote on which issue that I think is important for the Filipino people. But when it comes to the organization, I would like to associate myself with the minority,” ani Zubiri.

Samantala, sinabi naman ni Senador JV Ejercito na mananatili siyang independent sa Senado sa kabila ng pasasalamat niya sa tiwalang ipinakita ng liderato ng kapulungan.

“As of this time I would rather maintain my independence and with what is happening all over, I think I will be able to perform my tasks very well and my pet programs very well as an independent,” pahayag ni Ejercito.

-- ADVERTISEMENT --

Kinilala rin ni Ejercito na ang pagiging majority leader ay isa sa pinakamakapangyarihang posisyon sa Senado, ngunit mas nais umano niyang mapanatili ang kanyang pagiging independent sa kasalukuyan.

Ayon naman sa presiding officer, igagalang ng Senado ang desisyon ng bawat senador kung sasama sa majority, minority o mananatiling independent.

Sa pagpapatuloy ng sesyon, tinalakay rin ang usapin ng proportional representation sa committee membership, kabilang ang komposisyon ng Senate Committee on Rules at mga ex-officio member nito.

Kalaunan, ini-refer ng Senado ang Articles of Impeachment sa Committee on Rules bago inihain ang mosyon upang dalhin ito sa Impeachment Court. Sinuspinde rin ang sesyon upang makapag-convene ang Senado bilang Impeachment Court.