Tinawag ni Vice President Sara Duterte bilang “gawa-gawa” ang impeachment case na isinampa laban sa kanya ng Kamara de Representantes, kasabay ng pasasalamat sa patuloy na pag-suporta sa kanya ng publiko.
“Nagpapasalamat ako dahil noong ako ay nag-announce na tatakbo akong Pangulo, marami… ang nandiyan pa rin na solid na naniniwala at nagtitiwala,” ani VP Sara.
Pinasalamatan din ng Bise Presidente ang mga tagasuporta na hayagang tumututol sa impeachment proceedings sa pamamagitan ng mga rally at demonstrasyon.
“Yung kanilang suporta sa akin ngayon na humaharap sa impeachment na gawa-gawa ng House of Representatives,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Sara Duterte na pinag-usapan nila ng kanyang ama na si dating Pangulo Rodrigo Duterte, ang isyu na kinahaharap nito.
Ayon sa kanya, naniniwala silang ang mga pangyayari sa buhay ay bahagi ng plano ng Diyos, kabilang na kung siya ay ma-impeach o hindi.
Si VP Sara ay kasalukuyang nasa The Hague upang bisitahin ang kanyang ama, na nakakulong at humaharap sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Samantala, tinalakay rin ng Bise Presidente ang umiinit na political climate bago ang 2028 presidential elections. Aniya, likas na “madumi” ang politika sa bansa at may mga grupong gumagamit ng paninira upang mapabuti ang kanilang imahe.Pulitika
Naniniwala din si VP Sara na lumalakas ang mga pag-atake laban sa kanya dahil sa kanyang pag-anunsyo na tatakbo sa 2028 presidential race.
Hinimok din niya ang publiko na maging mapanuri sa impormasyong nakikita sa social media, dahil maaari umano itong manipulahin.
Binigyang-diin niya ang umano’y pag-iral ng “troll farms” at mga negosyong nagpapakalat ng impormasyon—tama man o mali—upang maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko.
“Yung mga troll farms na meron talagang negosyo na gano’n at meron din talagang negosyo na nagpapalabas ng mga information, whether true or not, pero yun ‘yung business ng kumpanya ang magpalabas ng mga information,” babala ng Bise.











