Suportado ni Vice President Sara Duterte ang panawagan para sa “kalayaan” ng mga institusyon na inisyal ng inihayag ni Senate President Alan Peter Cayetano kasunod ng pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada para sa kasong plunder kaugnay ng flood control scandal.
Sa isang video statement ngayong Martes, Hunyo 2, sinabi ng Bise Presidente na naniniwala siyang dapat na protektahan ang kalayaan ng mga institusyon, kabilang hindi lamang ang Senado at House of Representatives bilang institusyon kundi maging ang bawat Senador at miyembro ng mababang kapulungan.
Aniya, ang mga miyembro ng dalawang kapulungan ay dapat na malaya sa paggampan ng kanilang mga tungkulin ng walang pagbabanta, panggigipit o anumang uri ng pananakot.
Giit pa ng Bise Presidente na sa halip na tutukan ang mga tunay na suliraning kinakaharap ng mga Pilipino, kinakasangkapan ang kapangyarihan upang patahimikin ang mga boses ng mga tumututol.
“Good governance does not require the elimination of opposition. Democracy works best when there is a healthy opposition that is free to question,” saad ni VP Sara.
Inihayag din niya na ang pamahalaang natatakot sa pagtutol ay hindi nagpapakita ng lakas, sa halip ipinapakita nito ang kawalan ng kapanatagan, na makikita sa direksyong tinatahak ngayon ng ating bansa.
Kabilang na aniya ang mga pagsisikap na ilihis ang atensiyon mula sa mga lehitimong katanungang bumabalot sa kontrobersiya na flood control projects, ang pagbalewala sa constitutional safeguards para sa pagsusulong ng “politically motivated” impeachment at ang walang humpay na pagsusulong ng mas malaking kapangyarihan sa pulitika na ikinukubli sa likod ng Charter Change (Cha-Cha).
“These are the symptoms of a government that has become more preoccupied with protecting power than serving the people.”
“The Filipino people deserve a government focused on solving problems, not silencing critics; on strengthening institutions, not bending them to political ends; and on serving the nation, not perpetuating power.”











