-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng tanggapan ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste na mayroong isasampang kaso laban kay DPWH Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo sa Batangas Provincial Prosecutor sa Martes, Agosto 26.

Kasunod ito ng ulat na sinubukan umanong suhulan ni Calalo ang kongresista upang hindi na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga flood control projects. 

Nagsasagawa ng pagsisiyasat si Leviste sa kalagayan ng ilang flood control projects sa Unang Distrito ng Batangas kung saan natuklasang marami sa mga ito ay substandard ang materyales, hindi matibay ang pagkakagawa, at kahit kagagawa pa lamang nitong mga nakaraang taon ay agad nang nasira.

Partikular na tinukoy ang mga proyekto sa Palico River, Binambang River, at Pansipit River.

Sa isang pahayag sinabi ng batang mambabatas na hindi dapat pahintulutan ang korapsyon sa DPWH. 

-- ADVERTISEMENT --

Dapat aniya igiit ang mga proyektong may mas mataas na kalidad at mas mababang halaga, at obligahin ang mga contractor na agad ayusin ang anumang pagkukulang ng mga proyekto nang walang karagdagang gastos mula sa gobyerno.

Higit pa sa isasampang kaso, isinusulong ng kinatawan ang mas malawakang reporma upang tugunan ang mga suliraning nakaugat sa sistema ng DPWH.