Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na nananatiling nakabatay sa mga ebidensiyang nakalap ng Senate blue ribbon committee ang draft report at mga rekomendasyon nito kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y flood control scam.
Ayon kay Lacson, na siyang pinuno ng komite, malinaw kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, bilang dating mambabatas ang galaw ng pulitika sa Kongreso. Gayunman, tiniyak niya na parehong testimonial at documentary evidence mula sa mga pagdinig ang naging gabay sa pagbubuo ng mga rekomendasyon ng panel.
Ito ay tugon ni Lacson sa pahayag ni Remulla na ang pagwawasto sa mga naunang rekomendasyon laban sa ilang sangkot, kabilang sina Sens. Francis “Chiz” Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva, ay maaaring may bahid ng pulitika.
Nilinaw ni Lacson na ang binago lamang sa draft report ay ang pananalita upang ipakita na isinusulong ng komite ang pagsasagawa muna ng preliminary investigation, sa halip na agarang pagsasampa ng kaso. Aniya, hindi nagbago ang diwa at laman ng ulat, kundi ilang salita lamang ang inayos.











