Kinumpirma ng dating beauty queen at aktres na si Ruffa Gutierrez na cancer-free na ang kanyang amang si Eddie Gutierrez. Ayon kay Ruffa, dalawang linggo na ang nakalipas nang matanggap nila ang balita, at patuloy na bumubuti ang kondisyon ng kanyang ama.
“We found out the good news 2 weeks ago that he is cancer free and he is getting better,” pahayag ni Ruffa. Ipinaliwanag din niyang pinili nilang panatilihing pribado ang pinagdaraanan ng kanilang pamilya. Nagpasalamat din siya sa lahat ng patuloy na nagdarasal para sa paggaling ng kanyang ama.
Samantala, itinanggi rin ni Ruffa ang mga kumakalat na maling impormasyon tungkol sa kanyang inang si Annabelle Rama.
“Walang katotohanan ang mga kumakalat na balita. MY MOM IS ALIVE & KICKING!!” giit ng aktres.
Nanawagan din siya sa mga content creator na maging responsable sa paggamit ng kanilang mga plataporma at tiyaking tama ang impormasyong ibinabahagi sa publiko.
“Spreading false stories and damaging someone’s reputation for the sake of views and engagement is never right,” dagdag ni Ruffa.











