-- ADVERTISEMENT --

Humingi na ng paumanhin si Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay matapos umani ng batikos ang kanyang ginamit na sekswal na halimbawa habang nagsasalita sa isang pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng impeachment proceedings kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang panayam, inamin ni Suntay na mali ang kanyang ginawang paghahambing at sinabi niyang may mas maayos sanang paraan upang ipaliwanag ang kanyang punto.

Matatandaang ginamit ng kongresista ang isang halimbawa tungkol sa pag-iisip ng “desire” para sa aktres at TV host na si Anne Curtis upang ipaliwanag ang kanyang depensa sa umano’y “imagined threat” ni VP Sara laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Suntay, nagkamali siya sa paggamit ng naturang halimbawa at aminado siyang may mga taong nasaktan sa kanyang pahayag.

“Nag-a-apologize ako sa mga taong nasaktan. That analogy should not have been made,” ani Suntay. Dagdag pa niya, tanggap niya ang naging negatibong reaksyon ng publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Mula nang mangyari ang insidente noong Martes, nakatanggap si Suntay ng samu’t saring mga batikos mula sa ilang mambabatas, women’s groups, celebrities, at netizens.

May ilan ding nanawagan na sampahan siya ng ethics complaint sa House of Representatives.

Sinabi naman ng mambabatas na handa niyang igalang ang anumang magiging hakbang ng kanyang mga kapwa kongresista kung sakaling may magsampa ng reklamo laban sa kanya.

Samantala, sinabi naman ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na maaaring sapat na ang isang reprimand o pagsaway sa naturang insidente, at naniniwala siyang hindi dapat agad parusahan ang isang mambabatas dahil lamang sa isang pagkakamali.

Naglabas din ng pahayag ang Philippine Commission on Women, na nagsabing ang naturang komento ay maituturing na halimbawa ng gender-based sexual harassment sa ilalim ng Safe Spaces Act, lalo na kung ito ay nagmumula sa isang opisyal ng gobyerno.

Sa ngayon, wala pang opisyal na ethics complaint na inihahain laban kay Suntay sa Kamara.