Nilinaw ng Malacañang na hindi nangangahulugang napapabayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang tungkulin kapag naglalaan siya ng oras para sa kanyang pamilya.
Ito ang pahayag ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro kasunod ng pagkalat ng video kung saan makikitang kumakanta ang Pangulo sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang ina na si First Lady Emeritus Imelda Marcos.
Ayon kay Castro, patuloy na ginagampanan ng Pangulo ang kanyang mga responsibilidad kahit may oras siya para sa pamilya.
“Ang Pangulo ay Pangulo saan man siya naroroon. Ang paglalaan ng ilang oras para sa kanyang pamilya ay hindi nangangahulugang tumitigil ang kanyang tungkulin o ang operasyon ng pamahalaan.Sa gitna ng matinding pag-ulan, patuloy ang kanyang pagbabantay at pag-uutos sa mga ahensya upang matiyak ang kaligtasan at agarang pagtulong sa ating mga kababayan,” pahayag ni USec. Claire Castro.
Siniguro ni Castro, patuloy na minomonitor ng Pangulo ang sitwasyon sa bansa at nagbibigay ng direktiba sa mga ahensya ng pamahalaan, lalo na sa mga lugar na apektado ng matinding pag-ulan.
Sinabi rin ni Castro na inatasan at pinaalalahanan ng Pangulo ang mga ahensya ng gobyerno na agad tumugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong naapektuhan ng sama ng panahon.
Binigyang-diin ng Malacañang na ang paglalaan ng oras ng Pangulo para sa pamilya ay hindi nangangahulugang tumitigil siya sa kanyang mga tungkulin bilang pinuno ng bansa.
“Laging tutok ang Pangulo sa sitwasyon. Minomonitor ang kalagayan ng mga kababayan natin at ng mga bayan na apektado. Iniutos at pinaalalahanan ang mga ahensya ng pamahalaan ng mabilis na pagtugon sa mga kailangan ng mga biktima ng matinding buhos ng ulan,” mensahe ni USec. Castro.











