Inaprubahan na ng House of Representatives of the Philippines sa 3rd and final reading ang House Bill No. 8418, na magbibigay kapangyarihan kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag may pambansa o pandaigdigang krisis sa ekonomiya.
Nakakuha ang panukala ng 247 boto pabor, tatlong tutol, at walang abstention.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, layunin ng panukala na agad makatulong sa publiko kapag tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na nagdudulot ng pagtaas sa pamasahe, presyo ng pagkain at kuryente.
Sa ilalim ng panukala, maaaring alisin ng Pangulo ang hanggang P10 kada litro na excise tax sa gasolina at P6 sa diesel kung ang presyo ng krudo ay aabot o lalampas sa $80 kada bariles o kapag may idineklara na national emergency o kalamidad.
Ang suspensyon o pagbawas ng buwis ay maaaring tumagal ng hanggang anim na buwan, at maaaring gamitin ng Pangulo ang kapangyarihang ito hanggang Disyembre 31, 2028.
Kabilang sa mga bumoto ng hindi pabor ang mga kinatawan na sina Kabataan PL Rep. Renee Co, Gabriela PL Rep. Sara Elago, at ACT Teachers PL Antonio Tinio.
Inihayag ng Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na bumoto ito pabor sa House Bill No. 8418, kasabay ng babala at panawagan para sa mas malawak na tulong sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Diokno suportado nila ang panukala dahil ang pagtaas ng presyo ng langis ay nagdulot ng domino effect na nagpamahal sa pagkain, pamasahe at iba pang pangunahing bilihin.
Gayunman, sinabi ng grupo na may dalawang reserbasyon ito sa panukala. Una, mananatili silang mapagbantay sa pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo. Ikalawa, iginiit nilang hindi sapat ang pagsuspinde ng excise tax kung walang kasabay na agarang ayuda sa mga sektor na lubhang naapektuhan.
Isinusulong din ng partido ang iba pang hakbang tulad ng House Resolution No. 858 para sa libreng sakay sa tren, House Resolution No. 873 para palawakin ang fuel subsidy sa delivery riders at tricycle drivers, at House Resolution No. 875 upang repasuhin ang Philippine Energy Plan.
Ipinaliwanag ni Kabataan PL Rep. Renee Louise M. Co ang kanyang boto laban sa House Bill No. 8418, na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Co, hindi tinutugunan ng panukala ang ugat ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, dahil limitado lamang ito sa pagbawas ng buwis at hindi sa pagbabago ng polisiya sa sektor ng langis.
Aniya, kahit bumaba ng P6 hanggang P10 kada litro ang presyo, hindi pa rin tiyak na mararamdaman ito ng mga mamimili dahil nananatiling dereguladong industriya ang oil sector.
Iginiit din niya na walang sapat na transparency sa pagpresyo ng langis, kaya posibleng hindi maipasa ng mga kumpanya ang inaasahang bawas-presyo sa publiko.
Sa halip, sinabi ng mambabatas na nagsulong na sila ng panukalang permanenteng alisin ang excise tax at VAT sa langis at mga pangunahing bilihin, kasabay ng panawagan para sa mas mahigpit na regulasyon sa downstream oil industry, centralized procurement, at pagpapalakas ng renewable energy upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na langis.











