Hiniling ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mag-inhibit ang Office of the Ombudsman sa imbestigasyon laban sa kanya kaugnay ng umano’y kontrobersya sa flood control projects, dahil aniya ay may “pattern of prejudgment” na lumalabag sa due process.
Sa apat na pahinang liham na may petsang Abril 22, 2026, iginiit ng kanyang mga abogado mula sa Villaraza & Angangco na ang mga pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ilang opisyal nito ay nagpapakita na tila napagdesisyunan na ang pagsasampa ng kasong plunder kahit wala pang pormal na reklamo o preliminary investigation.
Binanggit ng kampo ni Romualdez na nagsimula pa noong Nobyembre 2025 ang umano’y bias nang sabihin ni Remulla na pinag-aaralan na ng kanyang tanggapan ang kaso at posibleng may plunder charges.
Pagsapit ng Abril 2026, lumabas pa ang mga pahayag na seryosong inihahanda ang kaso, na ayon sa depensa ay indikasyon ng maagang pagbuo ng prosecution theory.
Tinukoy din ng mga abogado ang press conference kung saan tinawag umano ni Assistant Ombudsman Mico Clavano si Romualdez na “master plunderer,” bagay na lalo umanong nagpapakita ng pagkiling.
Giit ng depensa, nagdudulot ito ng impresyon na ang imbestigasyon ay magiging “mere formality” lamang upang bigyang-katwiran ang nakatakdang resulta.
Dahil dito, nanawagan si Romualdez na ang anumang reklamo ay hawakan ng isang neutral at independent-minded na opisyal upang matiyak ang patas na proseso at mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistemang panghustisya.











