-- ADVERTISEMENT --

Ipinagpaliban ang nakatakdang nationwide simultaneous active shooter o active-threat drill sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa bukas, Agosto 25, ayon sa kumpirmasyon mula sa tanggapan ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara.

Inaasahang maglalabas ang pamunuan ng kagawaran ng pormal na kalatas at buong detalye hinggil sa dahilan ng pagkakaantala at susunod na iskedyul ng naturang pagsasanay.Oras at Mga Kalendaryo

Ang naturang nationwide simultaneous drill ay unang inanunsyo ng DepEd sa pagdinig sa Senado, kung saan ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na layunin nitong subukin ang kahandaan, paglikas, at proseso ng ‘reunification’ ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang sakaling magkaroon ng banta o karahasan sa loob ng mga eskwelahan.

Binuo ang mga safety protocol katuwang ang Philippine National Police (PNP) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kasunod ng mga napaulat na insidente ng pamamaril at karahasan sa mga kampus kamakailan, partikular sa Tacloban City at Zamboanga City.

Una na ring nagsagawa ng pilot simulation ang kagawaran sa ilang paaralan noong Hulyo upang maiayos ang mga pamantayan bago ang malawakang implementasyon.Mga Southeast Asian at Pacific Islander

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng pagpapaliban sa nakatakdang malawakang drill, patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa pamunuan ng bawat paaralan na panatilihing mahigpit ang seguridad sa mga pasilidad, magpatupad ng maayos na pagbabantay, at siguruhing may sapat na pag-iingat upang hindi magdulot ng takot o trauma sa mga kabataan ang anumang kahalintulad na pagsasanay sa hinaharap.

Tutol naman sa ganitong drill ang grupo ng mga psychologist dahil mas maha-highlight umano ang isang sensetibong insidente at maaari itong magresulta ng hindi magandang epekto sa kabuuan.