Nanawagan ang Malacañang ng mapayapa at maayos na pagdaraos ng 49th ASEAN Summit sa Nobyembre, habang naghahanda ang Philippine National Police para sa seguridad ng mga foreign leaders, delegates, guests, at publiko.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, kinikilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang karapatan ng publiko na magpahayag ng hinaing.
Gayunman, hiniling niyang isagawa na lamang sa ibang araw ang mga protesta habang ginaganap ang Regional summit.
Nilinaw ni Castro na request lamang ito at hindi pagbabawal sa karapatan ng mga Pilipino na magpahayag o magdaos ng protesta.
Samantala, sinabi ng PNP na isinasagawa na nito ang security preparations para sa November 16 hanggang 18 summit.
Nakikipag-ugnayan na umano ang PNP sa mga concerned government agencies, local government units, at iba pang security partners para sa deployment at security coverage.
Kasunod ito ng mga tanong sa seguridad matapos ang pagpasok ng mga protesters sa venue ng Luzon Economic Corridor Investment Forum.
Hindi naman nagbigay ang Palace ng detalye sa bilang ng dagdag na personnel, checkpoints, o restricted areas, ngunit tiniyak ng pnp na nakahanda itong tiyakin ang ligtas, mapayapa, at maayos na pagdaraos ng ASEAN summit.











