-- ADVERTISEMENT --

Idineklara ng Malacañang ang Mayo 27, 2026 bilang regular holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim.

Nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto, sa pamamagitan ng authority ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Proclamation No. 1264 na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga Muslim na makapagdiwang ng naturang mahalagang okasyon.

Ang Eid’l Adha, na kilala rin bilang Feast of Sacrifice, ay pag-alala sa katapatan ni Ibrahim sa Diyos nang iniutos sa kanya ang sakripisyo sa kanyang anak bilang pagsunod sa banal na utos.

Ayon sa proklamasyon, ang National Commission on Muslim Filipinos ang nagrekomenda ng pagdedeklara ng holiday batay sa inaasahang petsa ng Eid’l Adha na Mayo 27, ayon sa Islamic lunar calendar.

Sa ilalim ng batas, ang mga regular holiday ay may kaukulang holiday pay para sa mga empleyado na papasok sa trabaho sa nasabing araw.

-- ADVERTISEMENT --