Iginiit ng kampo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi siya isang “fugitive from justice” o nagtatagong pugante, taliwas sa pahayag ng Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).Promos
Sa isinumiteng 117-pahinang tugon sa Korte Suprema, sinabi ng mga abogado ni Dela Rosa na nananatili siya sa loob ng bansa, hayagang kumikilala sa hurisdiksyon ng Supreme Court, at hindi umano nagtatago sa mga awtoridad ng Pilipinas.
Ayon sa kampo ng senador, kinukuwestiyon nila ang hurisdiksyon ng ICC at ang legalidad ng pagpapatupad nito sa Pilipinas, kabilang ang arrest warrant laban kay Dela Rosa. Dahil dito, sinabi nilang hindi maaaring ituring na pugante ang senador habang hindi pa nalulutas ang usapin tungkol sa bisa ng naturang warrant.
Iginiit din ng legal team ni Dela Rosa na walang umiiral na lokal o Philippine court-issued warrant laban sa senador kaya wala umano siyang legal obligation para sumuko.
Nauna nang hiniling ng OSG sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni Dela Rosa laban sa ICC warrant dahil umano sa kawalan ng merito.Balitang Pilipinas
Ayon sa OSG, maituturing na fugitive ang isang taong sadyang umiiwas sa pagpapatupad ng batas, bagay na iniuugnay nila sa umano’y pag-iwas ni Dela Rosa sa pag-aresto.
Gayunpaman, sinabi ng kampo ng senador na hindi siya nagtago, hindi umalis ng bansa, at patuloy na dumadalo sa mga pampublikong pagtitipon at legal process.
Matatandaang umalis si Dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14 matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong gabi ng Mayo 13.
Sa kabila nito, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na hindi “tumakas” ang senador dahil wala namang local warrant of arrest laban dito.
Patuloy ring hinihiling ng kampo ni Dela Rosa sa Korte Suprema ang pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) at iba pang injunction upang pigilan ang pagpapatupad ng ICC warrant at maiwasan ang anumang pag-aresto laban kay Bato Dela Rosa.











