-- ADVERTISEMENT --

Maaaring makapaglabas na ng hatol ang Senate Impeachment Court sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte pagsapit ng kalagitnaan hanggang katapusan ng Nobyembre, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Sa isang panayam sinabi ni Gatchalian na target nilang matapos ang paglilitis at makapaglabas ng desisyon bago matapos ang Nobyembre, bagama’t aminado siyang maaari pang magbago ang iskedyul depende sa takbo ng mga pagdinig.

Ayon kay Gatchalian, inaasahang matatapos ngayong linggo o sa susunod na linggo ang presentasyon ng prosecution sa Article 2 o ang alegasyon hinggil sa unexplained wealth at susunod na ang Article 4 o bribery bago tuluyang lumipat sa defense presentasyon.

Umaasa rin ang Senate President na magiging mas mabilis ang paglilitis sa bahagi ng defense dahil nakasanayan na ng mga partido at ng impeachment court ang proseso.

Tinantiya niyang maaaring tumagal ng 30 hanggang 45 araw ang defense presentation, ngunit binigyang-diin niyang personal estimate lamang ito at maaaring magbago batay sa mga testigong ihaharap at iba pang pagbabago sa iskedyul.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na nais niyang matapos ang impeachment proceedings at magkaroon ng hatol bago ang Pasko.

Samantala, mamatandaan na nauna nang sinabi ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol na maaaring umabot hanggang Disyembre 16 ang paglabas ng hatol kung gagamitin ng defense ang buong 30 araw na inilaan nito para sa presentasyon ng ebidensya.