Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na walang batayan ang kumakalat na balita tungkol sa emergency lockdown sa bansa dahil sa umano’y bagong COVID-19 variant na tinawag na “Cicada.”
Ayon sa ahensya, “walang katotohanan ang kumakalat na balitang may emergency lockdown sa bansa dahil sa COVID-19 Cicada variant.” Pinayuhan din nila ang publiko na huwag magpakalat ng pekeng balita at umasa lamang sa mga opisyal na impormasyon.
Walang naitalang kaso sa bansa na dulot ng Cicada strain (BA.3.2), na unang natuklasan sa South Africa noong Nobyembre 2024 at kabilang sa Omicron lineage, ayon sa World Health Organization.
Sa kasalukuyan, naitala na ang variant sa 23 bansa at isinailalim pa ito sa kategorya ng COVID variant na under monitoring.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, hangga’t walang babala mula sa WHO at iba pang international health bodies, ‘walang dapat ikabahala.
“Until and unless the WHO and other international health bodies sound an alarm, there is no cause for concern. Standard precautions and infection control and prevention measures have always been in place,” ani Domingo.
Dagdag pa ng DOH, mas nakatutok ngayon sa mga sakit na may kaugnayan sa mainit at tuyong panahon, pati na rin sa contingency planning ng pambansang health system ang ahensya kasabay ng kasalukuyang estado ng national energy emergency.











