Sa pagbabalik niya sa plenary session matapos ang suspensyon, sinabi ni Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga na hindi siya nababahala sa posibilidad ng expulsion o pagpapatalsik sa kaniya kahit may kinakaharap na ethics complaints.
Ayon sa mambabatas, handa siyang harapin ang anumang mangyari at naniniwalang may iba pa siyang oportunidad sakaling mawalan ng pwesto.
Umaasa rin siya na wala nang susunod pang suspensyon habang nais niyang tutukan ang fuel crisis at itulak ang panukalang pagtanggal ng VAT.
Nauna nang nasuspinde si Barzaga dahil sa disorderly behavior kaugnay ng kanyang online posts.
Iginiit din niyang hindi na siya dumalo sa ethics hearings dahil hindi rin umano magbabago ang resulta.
Sinabi rin ni Barzaga na kung mapatalsik siya, lalo lamang nitong mapapatunayan ang umano’y korapsyon sa Kongreso.
Samantala, nagpahayag din ng pagtutol si Barzaga sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na aniya’y walang bagong basehan at sayang lang sa pondo ng gobyerno.











