-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng pagdududa si House prosecution spokesperson Ace Barbers na makapaglalabas ng ebidensyang magpapasinungaling sa mga dokumentong iniharap laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.


Ayon kay Barbers, matibay ang mga ebidensya dahil kabilang dito ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na mismong pinirmahan ng bise presidente, pati na ang tax returns at bank records.


Sa impeachment proceedings, iniurong ng House prosecution ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment, kaya Article II na lamang ang natitira.


Nakatuon ito sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, maling deklarasyon sa SALN at ipinagbabawal na interes sa negosyo.


Iniharap din ng prosecution ang pagsusuri ng financial forensic analyst na si Alexander Cabrera, na nagtaya na umabot sa P817.87 milyon ang umano’y hindi naideklarang ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman nina Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.

-- ADVERTISEMENT --


Binigyang-diin ni Barbers na mahirap pabulaanan ang mga opisyal na dokumento at rekord na iniharap ng prosecution. Gayunman, inaasahan pa ang sagot at depensa ng kampo ng bise presidente sa mga alegasyon.