-- ADVERTISEMENT --

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nanggugulo o “troublemaker” ang Pilipinas sa patuloy na pagtatanggol nito sa maritime rights at teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang naging tugon ni AFP Spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad matapos kuwestiyonin ni Vice President Sara Duterte kung bawal na bang makipagnegosyo sa China dahil itinuturing itong national security risk bagay na nagiging dahilan umano para magmukhang “troublemaker of Southeast Asia” ang bansa.

Binigyang-diin ni Trinidad na hindi maituturing na panggugulo ang pagtindig para sa sariling teritoryo. Aniya, kapag ipinaglalaban ng isang bansa ang mga legal at makatarungang maritime rights na sa kaniya ay hindi kailanman pagiging troublemaker.

Ayon pa sa opisyal, ugali na ng mga nanamantala at mananakop ang magpakalat ng baluktot na naratibo upang maisulong ang sarili nilang interes, kaya’t malinaw na sila ang totoong nagpapasimula ng gulo.

Samantala, muling pinagtibay ng AFP ang buong suporta nito sa pasya ng Department of National Defense (DND) na suspindehin muna ang military-to-military communications sa pagitan ng Pilipinas at China.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ni Trinidad, upang maging epektibo at gumana ang anumang pag-uusap ng dalawang bansa, napakahalaga ng pagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa pati na rin ang tapat na paggalang sa international law.