Nakatakdang bumisita sa Pilipinas ang itinuturing na Pickleball World No. 1 na si Anna Leigh Waters sa darating na Oktubre para sa gaganaping Franklin Asia Pickleball Showcase.
Ang Pilipinas ang napiling kauna-unahang destinasyon ng naturang pandaigdigang showcase bago ito itaguyod sa iba pang bansa sa Asya tulad ng Malaysia, Hong Kong, at Vietnam.
Inihayag ng organizers na ang bansa ang kasalukuyang nagtatala ng pinakamabilis na paglago sa larangan ng pickleball sa buong mundo matapos makapagrehistro ng impresibong 1,213% year-over-year growth rate.
Dahil sa mabilis na pagdami ng mga naglalaro at nagkakagusto sa naturang palakasan, inilagay nila ang Pilipinas sa tuktok ng mga prayoridad nito para sa kanilang global expansion.
Inaasahang magbibigay ng malaking inspirasyon sa mga lokal na atletang Pilipino ang pagbisita at pagtatanghal ng world number one player sa darating na buwan.











