-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may nakahandang estratehiya ang depensa para ipaliwanag ang pagtaas ng net worth ng Bise Presidente mula 2007 hanggang 2025, kung kakailanganin ito sa paglilitis sa impeachment.

Ayon kay Atty. Michael Poa, darating ang pagkakataon na maipapaliwanag ng depensa ang mga pagbabago sa net worth, maaaring sa pamamagitan ng mga susunod na testigo o sa sarili nilang mga ebidensya.

Ipinaliwanag ni Poa na ang testimonya ni Ombudsman records officer Atty. Karen Batu ay nakabatay lamang sa kanyang personal na karanasan at mga napapansin sa kanyang trabaho.

Aniya, naging maingat din si Batu sa pagsasabing hindi siya makapagbibigay ng konklusyon tungkol sa mga naturang usapin.

Iginiit ni Poa na pinag-isipan na ng depensa kung paano ipapaliwanag ang mga nakasaad sa SALN ni VP Duterte, ngunit hindi muna niya ibinahagi ang kanilang partikular na estratehiya.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat naman ni poa ang publiko na hintayin ang bahagi ng depensa sa paglalahad ng kanilang ebidensya, kung saan maaari nilang ipaliwanag ang mga kinakailangang detalye kaugnay ng net worth ng Bise Presidente.