-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa 350 manggagawa at residente ang nasagip ng Nepalese Army matapos ma-trap sa Upper Trishuli Hydropower tunnel dahil sa mapaminsalang pagbaha sa bahagi ng Nepal-Tibet border noong Miyerkules, Agosto 26.

Nakapag-deploy na rin ang military team ng karagdagang mga tauhan para ligtas na maisagawa ang rescue operation sa tinatayang 100 katao na nananatiling na-trap sa loob ng tunnel.

Patuloy pa rin ang search and rescue operations sa bahagi ng Rasuwa, na kabilang sa mga lugar na itinuturing na high risk sa pagbaha.

Matatandaang tumama ang mapaminsalang pagbaha sa Bhotekoshi River sa Rasuwa noong Miyerkules. Patuloy na rumagasa ang tubig mula sa Bhotekoshi River patungo sa Trishuli River at kalaunan ay sa Narayani River, na nagdulot ng malawakang pagbaha sa lugar.