Patuloy na namamayagpag ang Filipino pole vault star na si EJ Obiena matapos masungkit ang kanyang ikapitong gintong medalya ngayong season sa International Stabhochsprung Meeting sa Jockgrim, Germany
Naitala ni Obiena ang 5.83 meter high dahilan para masungkit ang kampeonato, ilang araw lamang matapos din niyang magwagi sa Halberstadter Hohenflug.
Nakalamang si Obiena kay Siefeldin Abdelsalam ng Qatar sa pamamagitan ng countback matapos pareho silang lumundag ng 5.83 meter. Nakuha naman ni Ersu Sasma ng Turkey ang bronze medal matapos maitala ang 5.77 meter high sa 12-man competition.
Matapos maselyohan ang panalo, sinubukan pa ni Obiena na lampasan ang 5.93 meter upang maitala ang kanyang season-best, ngunit hindi niya ito nalundagan.
Aminado ang Filipino Olympian na hindi naging madali ang kompetisyon dahil sa ilang naging problema sa warm-up ngunit masaya pa rin daw siya sa naging resulta ng kanyang laban.











