-- ADVERTISEMENT --

Pinayagan na ng korte sa Pasay na makapagpiyansa ang dating TV-host na si Jay Sonza kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya, matapos amyendahan ang naunang desisyon na non-bailable ang kanyang kaso.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Mark Tolentino, binago ng Regional Trial Court Branch 118 Pasay City ang naunang ruling sa kasong Unlawful Publication, kaya maaari nang magpiyansa si Sonza. Aniya, agad nilang ipoproseso ang piyansa dahil sarado ang korte nang ilabas ang kautusan.

Matatatandaang naaresto si Sonza sa kanyang bahay sa Quezon City noong Huwebes ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) batay sa warrant na inilabas ng nasabing hukuman. Una itong itinuring na non-bailable offense.

Nahaharap si Sonza sa mga kasong may kaugnayan sa cybercrime, kabilang ang Unlawful Use of Means of Publication at Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Batay sa imbestigasyon ng NBI Cybercrime Division noong Enero 2026, kabilang umano si Sonza sa mga nagpakalat ng hindi beripikado at mapanlinlang na impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang umano’y CT scan results na kumalat sa social media.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng kampo ni Sonza na mula pa lamang sa simula ay bailable na ang naturang kaso bilang isang karapatan sa ilalim ng batas. Tinawag din ni Tolentino na isang “legal misstep” ang naunang paglalabas ng warrant na nagdeklara sa kaso bilang non-bailable.

Sa kasalukuyan, inaasahan ng kampo ni Sonza ang kanyang agarang paglaya matapos maisumite ang piyansa, habang posible pa silang magsampa ng reklamo kaugnay nito.