Naniniwala si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na hindi na muna kailangang ilipat sa kostudiya ng Kamara si Ramil Madriaga mula sa kasalukuyang pagkakadetene sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ito ay kung wala na aniyang karagdagan pang katanungan ang komite kay Madriaga habang maayos din ang ugnayan sa pagitan ng BJMP at ng Kamara, sa tulong ng korte na may saklaw sa kaso ng nagpakilalang dating bagman ni VP Sara Duterte.
Una kasing hiniling ng ilang miyembro ng House Justice Committee na ilipat ang kostudiya ni Madriaga sa House dahil na rin sa umano’y banta sa kaniyang buhay.
Samantala, hindi rin inaalis ng House Justice Committee ang muling pagpapatawag kay Madriaga sa mga susunod pang pagdinig ng panel sa dalawang nalalabing complaint.
Ayon kay Ridon, kung mayroon pang mga katanungan ang ibang miyembro ng Kamara ay maaari lamang hilingin sa korte na muling payagan si Madriaga na maging resource person sa panel.
Maalalang sa naunang pagdalo ni Madriaga sa pagdinig ng Kamara ay ibinigay ng korte sa kaniya ang mula alas-10 hanggang alas-5 na palugit para umalis sa Camp Bagong Diwa patungong Kamara, at tuluyang makabalik sa kaniyang detention cell.
Inabot din ng ilang oras ang paglalahad ni Madriaga sa kaniyang testimoniya at pagsagot sa katanungan ng mga mambabatas.











