-- ADVERTISEMENT --

Isinulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mas malalim na ugnayan sa ekonomiya at seguridad ng rehiyon matapos nitong pangunahan ang ika-31 ASEAN Senior-Level Committee on Financial Integration (SLC) meeting na ginanap sa isla ng Boracay.

Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng matataas na opisyal mula sa iba’t ibang sentral na bangko ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Naging katuwang ng Pilipinas sa pagmamando ng dayalogo ang mga co-chair na kinatawan ng Bank of Indonesia at State Bank of Vietnam.

Naging sentro ng pag-uusap ang mga hakbang upang higit na mapalalim ang integrasyon ng pananalapi sa mga kasaping bansa upang makasabay sa nagbabagong takbo ng merkado.

Batay sa ulat, naging bahagi ng malawak na agenda ang pagbalangkas sa mga magiging prayoridad ng ASEAN Chair para sa taong 2026.

-- ADVERTISEMENT --

Binuo rin ng komite ang kanilang pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon, mga hamon, at oportunidad sa global economy pati na rin sa regional economy.

Bukod sa kalakaran sa negosyo at pananalapi, tinalakay rin sa pulong ang pagpapaigting ng mga patakaran para sa sustainable finance at ang pangangailangan para sa mas mahigpit na kooperasyon pagdating sa cybersecurity.

Pinag-usapan din ng mga lider ang pagpapalawak ng mga programang pangkaalaman at pagsasanay.

Isa rin sa mga tampok na inisyatibang isinusulong sa pulong ay ang muling pagtatag ng ASEAN Swap Arrangement bilang isang mahalagang mekanismo para sa katatagan ng pananalapi ng rehiyon.

Bilang bahagi ng patuloy na koordinasyon, ang lahat ng napagkasunduan at resulta ng pagpupulong sa Boracay ay nakatakdang iharap sa gaganaping ASEAN Finance Ministers and Central Bank Governors’ Meeting sa darating na buwan ng Abril upang tuluyang mapagtibay.