Paiimbestigahan ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Bam Aquino ang kahandaan ng public school buildings sa buong bansa sakaling tumama ang malalakas na lindol, matapos ang mga nangyaring pagyanig sa iba’t ibang lugar.
Ayon kay Aquino, maghahain siya ng resolusyon upang masilip ang tibay at kaligtasan ng school buildings laban sa lindol.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagtiyak sa kaligtasan at kalidad ng mga gusali ng paaralan, lalo na matapos ang pag-amin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer Brice Hernandez na lahat ng proyektong imprastraktura sa Bulacan mula 2019 hanggang kasalukuyan ay substandard, kabilang na ang mga silid-aralan.Radyo ads
Itutulak ni Aquino ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa inspeksyon at pagsusuri ng mga pampublikong school building upang matiyak ang tibay at kaligtasan ng mga ito.
Bukod sa pagsusuri sa tibay at kaligtasan ng mga school building, sinabi ni Aquino na tatalakayin din sa planong imbestigasyon ang pinsalang dulot ng mga nagdaang lindol at ginagawang pagkilos ng mga kaukulang ahensya upang matiyak na muling magamit ng mga mag-aaral ang mga apektadong paaralan sa lalong madaling panahon.
Kasama rin sa imbestigasyon ang mga panukalang hakbang upang mapalakas ang disaster preparedness ng mga paaralan, kabilang ang regular na inspeksyon, pagsasagawa ng earthquake drills at evacuation protocols, at pagkakaroon ng mga earthquake emergency kit.