Nagdulot ng matinding pagkadismaya at palaisipan sa publiko ang biglaang pagguho ng bagong tayong flood control structure sa kahabaan ng Padsan River sa Barangay Gabu, Laoag City.
Ang nasabing proyekto, na may halagang P47,024,704.34 ay pinondohan sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.
Ayon sa mga residente, ilang buwan pa lamang matapos ideklara ang pagkakakumpleto ng proyekto ay bumigay na ang bahagi ng istruktura, dahilan upang mabunyag muli ang umano’y talamak na katiwalian sa mga flood control project sa ilang distrito.
Sa mga larawang kuha sa lugar, makikitang bitak-bitak at nagkahiwa-hiwalay ang mga konkretong bahagi ng dike, na ngayon ay nakalubog at inanod na ng agos ng ilog. Kitang-kita rin ang mga nakalitaw na bakal at ang pagkabutas ng lupa sa paligid nito.
Batay sa project billboard, ang kontrator ay ang RA Pahati Construction & Supply, Inc., sa ilalim ng DPWH Ilocos Norte First District Engineering Office, na may itinakdang petsa ng pagkumpleto noong Oktubre 4, 2024.
Lumalabas na ang RA Pahati Construction ay pag-aari umano ng pamilya Ceniza
ng Pantukan, Davao de Oro – isang pangalang madalas umanong lumilitaw sa mga isyu ng bidding at proyekto sa imprastraktura.
Ngunit ayon sa mga residente ng Barangay Gabu, may isang alyas Yeye” na kamag-anak umano ng pamilya Ceniza, ang nasa likod ng pagpasok ng mga proyekto sa Ilocos Norte.
Dagdag pa ng nagsumbong na mga residebte, si Yeye ang nagkaroon ng impluwensiya sa proseso ng pag-award ng mga kontrata sa lalawigan.
Ayon sa mga lokal na inhinyero, ang naturang flood control structure ay hindi dapat bumagsak dahil wala namang matinding pagbaha o malakas na agos ng ilog sa mga nagdaang linggo. Ipinapalagay nilang kulang sa tamang soil compaction, riprap foundation, at steel reinforcement ang proyekto.
Iginiit din ng ilang eksperto sa sa imprastraktura sa rehiyon na ang mga nasabing kakulangan ay malinaw na indikasyon ng substandard workmanship at kapabayaan sa maayos na implementasyon.
Dahil dito, muling nabubuhay ang mga paratang hinggil sa tinatawag na “flood control mafia” na umano’y ginagamit ang mga pondo ng DPWH bilang kasangkapan sa pamumulitika at pagkakitaan.
Nabatid din na ang RA Pahati Construction ay nakakuha na ng bilyon-bilyong kontrata sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, kabilang ang Luzon at Mindanao, kahit ang pinagmulan nito ay sa Davao de Oro pa lamang.
Samantala, patuloy ang panawagan ng mga residente ng Laoag at mga civic groups para sa umano sa malayang imbestigasyon hinggil sa insidente, upang mapanagot ang mga responsable at matigil na ang ganitong uri ng katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.
Bukas naman ang himpilan para sa anumang tugon ng mga nasa likod ng nasabing proyekto.