-- ADVERTISEMENT --

Personal na dumalo ngayong araw si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang P902.8 milyong budget ng kaniyang tanggapan para sa taong 2026.

Ginaganap ang deliberasyon sa lower House, kung saan tinatalakay ang alokasyon ng pondo para sa Office of the Vice President (OVP).

Matatandaang na-reschedule ang pagdinig matapos hindi dumalo si VP Duterte noong nakaraang linggo, dahilan upang ipagpaliban ng komite ang orihinal na schedule.

Noong Setyembre 12, hindi dumalo si VP Duterte o kahit isang undersecretary sa unang nakatakdang pagdinig.

Sa halip, assistant secretary ang ipinadala ng OVP, ngunit hindi ito tinanggap ng komite bilang sapat na kinatawan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga mambabatas, tradisyon sa Kamara na ang pinuno ng ahensya o isang undersecretary ang dapat humarap sa budget hearing.

Kaugnay nito, naglabas ng pahayag ang OVP na nagsasabing handa sanang dumalo si VP Duterte noong Setyembre 12, ngunit pinayuhan umano sila ng sponsor ng budget na huwag nang tumuloy matapos malaman na walang undersecretary na makakadalo.

Ang OVP ay humihiling ng P902.8 milyon para sa 2026, mas mataas kumpara sa P744 milyon na alokasyon ngayong taon.

Ayon sa tanggapan, ang dagdag na pondo ay gagamitin para sa pagpapalawak ng mga programa at serbisyo ng OVP.

Ito ang unang pagbisita ni VP Duterte sa Kamara mula pa noong Nobyembre 2024, kung kailan siya huling humarap sa isyu ng umano’y pag-abuso sa pondo ng kaniyang tanggapan.

Ang mga alegasyong ito ay naging bahagi ng batayan sa impeachment case na isinampa laban sa kanya ng ilang mambabatas.