Iginiit ng ilang mambabatas sa Kamara na sapat sa substansiya ang video ng umano’y banta sa pagpaslang upang umusad ang ikaapat na batayan ng ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ipinalabas ang viral na video kung saan maririnig si Duterte na nag-utos ng pagpatay sakaling siya ay mapaslang.
Ayon kay ML Party-list Rep. Leila de Lima, ang naturang pahayag ay hindi simpleng retorika kundi may mabigat na implikasyon sa kaayusang konstitusyonal.
Binigyang-diin naman nina Rep. Ysabel Maria Zamora, Rep. Zia Alonto Adiong, at Rep. Janice Degamo na ang pagbanggit sa pagkuha ng assassin ay malinaw na pagtataksil sa tiwala ng publiko at maaaring humantong sa aktuwal na karahasan.
Sa kabila ng pangamba ni Rep. Jesus “Bong” Suntay hinggil sa malayang pananalita at kakulangan ng ebidensiya ng aktuwal na kasunduan, nanindigan ang karamihan na may sapat na batayan upang ituring na impeachable offense ang naturang pahayag ng Bise Presidente.











