-- ADVERTISEMENT --

Naitala ng Pilipinas ang pinakamalawak nitong trade deficit sa kasaysayan noong Oktubre 2026 na umabot sa $6.95 bilyon, mas mataas nang 65.6 porsyento kumpara sa $4.20 bilyon noong Oktubre 2025, kahit parehong pumalo sa record high ang exports at imports ng bansa mula nang magsimula ang talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 1991.

Umakyat ang kabuuang exports ng bansa sa $10.57 bilyon na pinangunahan ng electronic products ($7.40 bilyon) at pangunahing iniluwas sa Estados Unidos, Vietnam, at Hong Kong, habang ang imports naman ay sumipa sa $17.52 bilyon kung saan nanguna ang mga produkto mula sa China, South Korea, at Indonesia.

Dahil dito, umabot sa $28.08 bilyon ang kabuuang external trade ng Pilipinas noong Oktubre at nalampasan na rin ng year-to-date exports ($84.71 bilyon) ang buong taong rekord noong nakaraang taon.

Ipinagmalaki ni Trade Secretary Cristina Roque na ang paglampas ng monthly exports sa $10 bilyong marka sa unang pagkakataon ay patunay ng katatagan ng manufacturing sector at pagiging competitive ng mga industriya ng bansa sa pandaigdigang merkado.

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na sasamantalahin nila ang momentum na ito upang makaakit ng mas maraming pamumuhunan at maipasok ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa global value chains.

-- ADVERTISEMENT --