-- ADVERTISEMENT --

Tinawag ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na isa lamang umanong deflection o paglihis sa tunay na isyu ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na nais nitong tumayo bilang abogado sa kanyang impeachment trial.

Ayon kay Cendaña, kung talagang seryoso si Duterte sa naturang hakbang ay matagal na niya itong ginawa, lalo na’t nakikinig na lamang umano ito sa kanyang legal team sa kasalukuyan.

Sinagot din ng mambabatas ang naging patutsada ng Bise Presidente na “plastikan” lamang ang naging pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng kanyang tanggapan noong Nobyembre 26, sabay giit na hindi rin naman ipinamalas ni Duterte ang tunay na respeto nang lumiban ito sa impeachment proceedings.Bumili ng Planner

Ani Cendaña, mabilis na nagpapakita ang Bise Presidente kapag humihingi ng pondo, ngunit lumiliban at dinededma ang proseso kapag kailangan nang ipaliwanag kung saan napunta ang pera ng bayan kaya’t hinamon niya itong humarap sa totoong paglilitis kung ayaw nitong magkaroon ng plastikan.

Samantala sa usapin naman ng pambansang pondo, iginiit din niya na nakasalalay na ngayon sa Senado at sa nalalapit na bicameral conference committee ang kapalaran nito, kaya’t mahigpit na nakabantay ang taumbayan upang hindi ito mabahiran ng politika at “epal” sa pamamahagi ng ayuda.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan din si Cendaña ng buong transparency kung saan dapat ay nasa loob mismo ng silid ang mga citizens’ watchdog upang matiyak na naibabalik ang mga tinapyas na pondo partikular sa EDSA Bus Carousel, service contracting program, Department of Health (DOH), at PhilHealth na aniya’y tinitipid sa kasalukuyang bersyon ng badyet.

Dagdag pa ng mambabatas, kinakailangan ang aktibong partisipasyon ng mga grupo at ng publiko, gaya ng ginawang pagbabantay noong nakaraang taon, upang matiyak na mailalayo sa politika ang kaban ng bayan at mapupunta ito sa mga pangunahing serbisyong panlipunan.