Isinagawa ang sabayang pagsisindi ng mga kandila sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City bilang bahagi ng paggunita sa Undas.
Sabay-sabay na nagtirik ng kandila ang mga kalahok sa bawat puntod at sabay itong sinindihan bilang pag-alala sa mga namayapang sundalo at bayani ng bansa.
Pinangunahan ng mga miyembro ng Girl Scouts of the Philippines ang aktibidad na tinaguriang Synchronized Lighting of Candles, sa ilalim ng superbisyon ng Philippine Army, na siyang nangangasiwa sa naturang himlayan.
Naglagay rin sila ng maliliit na watawat sa bawat krus bilang simbolo ng paggalang at pagkilala.
Sa kabuuan ng Undas break, inaasahang aabot sa 60,000 ang bilang ng mga bumibisita sa LNMB.
Una nang tiniyak ng Philippine Army ang sapat na seguridad sa lugar, katuwang ang Philippine National Police.
Kabilang sa mga kilalang nakahimlay sa LNMB ay sina dating Pangulong Ferdinand Marcos, Fidel V. Ramos, Carlos Garcia, at iba pa.











