-- ADVERTISEMENT --

Naglaan na ng pondo ang Sugar Regulatory Administration (SRA) para sa pagsasagawa ng cloud seeding operations sa Negros Occidental bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño phenomenon.

Sa isang panayam sa Bombo Radyo Bacolod, kinumpirma ni SRA Board Member Dave Sanson na sinimulan na ang cloud seeding sa lalawigan, na kilala bilang Sugar Bowl of the Philippines, noong Setyembre 14.

Sinabi ni Sanson na ayon sa weather forecast, dry spell lamang ang mararanasan sa Negros Island, di-tulad sa Luzon na maaaring makaranas ng total drought.Bumili ng Planner

Paliwanag ng opisyal, nagkakaroon pa rin ng manaka-nakang pag-ulan kapag dry spell, at hangga’t may rain clouds sa himpapawid ay maaari itong puntiryahin ng cloud seeding upang makagawa ng artipisyal na ulan.

Nakahanda na rin ang eroplano ng Philippine Air Force (PAF) na gagamitin sa operasyon, habang nakipag-ugnayan din ang SRA sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) ng Department of Agriculture (DA) na siyang pinagmulan ng pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyan ding humihingi ng karagdagang pondo ang kawanihan upang maipagpatuloy ang cloud seeding hanggang Marso 2027 sakaling humaba pa ang epekto ng El Niño.

Inilahad din ni Sanson na ang pondo para sa fuel ng eroplano ang pangunahing kinakain ng malaking gastos dahil asin lamang ang ibinubuhos sa mga ulap.

Dati ay umaabot sa P15,000 hanggang P20,000 ang gastos sa fuel sa bawat lipad, ngunit inaasahang mas tataas pa ito ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.