Inakusahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng pananakot sa mga kontratistang sangkot sa mga infrastructure project sa Taguig City sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa naturang isyu.
Aniya, kaya pa niyang palampasin ang mga karaniwang hakbang tulad ng pag-imbestiga o paghiling ng mga opisyal na dokumento. Ngunit iba na umano ang usapan kapag ang senador mismo ang nanghihimasok sa paggawa ng mga affidavit na palalabasing nagmula sa mga kontratista.
Sinabi ni Cayetano na paraan ito ni Lacson para pabor sa kanya ang maging testimonya ng mga testigo. Ginigipit din umano sila ng senador gamit ang banta ng non-bailable na kasong plunder.
Dagdag pa ng senador, katulad din nito ang ginawa ni Lacson kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, na una nang naglinaw sa budget hearing na dinaluhan nito na walang naganap na ghost projects sa Taguig.
Ayon kay Cayetano, malinaw na walang anumang iregularidad sa mga naging proyekto sa lungsod na dati niyang pinamunuan batay sa imbestigasyon ng iba’t ibang ahensya, ngunit ayaw umano itong tanggapin ni Lacson kaya’t nagpapakalat na lamang ito ng iba-ibang akusasyon.
Iginiit pa nito na ginagamit lamang siya ng senador upang takutin ang iba pang mga senador, partikular ang mga miyembro ng minority at iba nitong nakakabanggaan sa politika.
Binigyang-diin niyang hindi siya natatakot at patuloy niyang sasagutin ang mga paratang dahil naniniwala siyang lalabas din ang katotohanan.











