Nagpahayag ng pagkabahala si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte matapos lumabas ang mga ulat na may ilang oligarko umanong nagtatangkang mag-orchestrate ng isang military-backed reset upang magluklok ng isang business tycoon bilang caretaker president na isang hakbang na“nakakaalarma” at “labag sa Konstitusyon.”
Sa isang pahayag, mariing tinuligsa ni Duterte ang ulat na si Ramon Ang umano ang pinag-iisipang ilagay sa puwesto sa isang reset scenario, bagay na aniya ay “nagpapakita na ang Pilipinas ay parang banana republic na pinapatakbo ng pinakamataas na bidder.”
Giit ng Kongresista, hindi ito governance at hindi ito demokrasya kundi ito ay corporate capture of the State.
Ayon pa kay Duterte, may natanggap din umano siyang impormasyon na isa pang kilalang negosyante ang personal na nang-pressure kay dating Executive Secretary Lucas Bersamin na magbitiw at pinopondohan umano ang grupo ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner mga alegasyong hindi pa nabeberipika ngunit nagdudulot ng matinding pangamba.
Kung totoo raw ang mga impormasyong ito, makikita ang “tahasang pagtatangka ng makapangyarihang negosyante na impluwensiyahan at kontrolin ang pinakamataas na antas ng pamahalaan.”
Giit ni Rep. Duterte ang bansa ay hindi playground ng mga bilyonaryo lalo at hindi ito negosyo na pwedeng i-reset kapag hindi na sila masaya sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Duterte na ang kapangyarihang pumili ng lider ay sa taumbayan lamang, hindi sa mga oligarkong nakikipag-usap sa likod ng publiko o nagpopondo ng political maneuvers.
Tinawag niyang isang “hostile takeover of democracy” ang sinasabing reset at sinabing hindi sila mananahimik.
“The Philippines is not for sale. The presidency is not a corporate seat. And the Filipino people are not employees of an oligarch boardroom,” ayon kay Duterte.
Nanawagan din siya sa AFP at PNP na manatiling tapat sa kanilang mandato na protektahan ang Konstitusyon at ang bansa.
“Ang pansamantalang pangako ng kayamanan ay walang halaga kung ang magiging kapalit nito ay kinabukasan ng inyong mga anak,” paalala ni Duterte.











