Walang umanong planong magbitiw sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa kabila ng kinakaharap niyang impeachment trial sa Senado na inaasahang matatapos bago matapos ang taon.
Sa isang year-end gathering kasama ang media nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na hindi niya kayang talikuran ang puwesto dahil maituturing niya itong pagtataksil sa 32.2 milyong Pilipinong bumoto sa kaniya noong 2022 elections, gayundin sa publiko.
Giit ng Bise Presidente, hindi niya nakikitang opsyon ang pagbibitiw sa kabila ng mga alegasyong kinakaharap niya sa impeachment proceedings. Samantala, nagpapatuloy ang paglilitis sa Senado kaugnay ng natitirang alegasyon ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman laban sa Bise Presidente.
Matatandaang iniurong ng House prosecution team ang tatlo sa apat na impeachment articles upang mapabilis ang paglilitis, kaya’t nakatuon na lamang ang mga susunod na pagdinig sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Sa kabila nito, itinanggi ni Duterte ang mga paratang at inilarawan ang impeachment proceedings bilang isang uri ng political harassment. Sakaling mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng conviction sa impeachment trial, maaari rin siyang ma-disqualify habambuhay sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.











