-- ADVERTISEMENT --

Upang matiyak ang agarang tulong medikal sa mga biktima ng kamakailang lindol sa Cebu, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na bibigyan ng provisional o pansamantalang accreditation ang mga pribadong ospital sa lalawigan na hindi pa rehistrado sa PhilHealth.

Ang hakbang na ito ay naglalayong maipagkaloob ang zero balance billing sa mga pasyenteng nasugatan, lalo na sa mga nabalian ng buto. Sa ilalim ng zero balance billing, hindi na kailangang maglabas ng pera ang pasyente para sa mga serbisyong saklaw ng PhilHealth.

Kasabay nito, isasama na rin ng PhilHealth ang orthopedic packages sa kanilang Z Benefits program, isang espesyal na benepisyo para sa mga pasyenteng may malubhang karamdaman o nangangailangan ng mahal na gamutan.

Sa ganitong paraan, mas maraming biktima ng lindol ang makakakuha ng libreng gamutan at operasyon para sa mga bali at pinsala sa buto.

Ang Z Benefits ng PhilHealth ay inilunsad upang tugunan ang pangangailangan ng mga pasyenteng may catastrophic illnesses, mga sakit na nangangailangan ng matagal at mahal na gamutan gaya ng cancer, kidney failure, at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagdaragdag ng orthopedic care sa listahan, mas pinalawak ang saklaw ng tulong para sa mga Pilipinong nangangailangan.

Ang DOH at PhilHealth ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga ospital upang mapabilis ang proseso ng accreditation at masigurong walang pasyente ang mapag-iiwanan sa panahon ng sakuna.