Hinamon ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte na personal na dumalo sa Senate impeachment trial ngayong Lunes, Setyembre 14, kasabay ng pagsisimula ng paglalahad ng ebidensiya sa Article II o ang alegasyon ng unexplained wealth.
Ayon kay Ridon, mahalagang humarap ang Bise Presidente habang ilalatag ng House prosecution ang mga dokumento at testimonya kaugnay ng umano’y yaman ng pamilya Duterte na hindi maipaliwanag batay sa kanilang lawful income.
Sa tatlong buwang paglilitis at 23 hearing dates, hindi pa personal na dumadalo si Duterte sa impeachment proceedings, kaya’t paulit-ulit na rin siyang hinahamon ng mga prosecutor na humarap sa Senate impeachment court.
Samantala, inaasahang ilalatag ng prosecution ang mahigit 1,800 financial documents at testimonya ng ilang resource persons para sa Article II, kabilang ang mga rekord na may kaugnayan sa bank transactions at iba pang financial interests ng pamilya.











