-- ADVERTISEMENT --

Posibleng umabot hanggang P114 kada litro ang presyo ng diesel ngayong linggo kasunod ng malaking oil price hike na ipatutupad ng mga kumpanya ng langis, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na batay sa pagtataya ng DOE, maaaring pumalo sa P95 hanggang P114 kada litro ang diesel simula Marso 17, depende sa naging presyo nito sa bawat gasolinahan noong nakaraang linggo.

Ipinaliwanag ni Garin na may ilang gasolinahan na nagbenta ng diesel sa P70 kada litro, habang ang iba naman ay nasa P90 kada litro. Dahil dito, maaaring mag-iba ang magiging presyo matapos ang oil price adjustment.

Batay sa pagtataya ng DOE para sa Marso 17 hanggang Marso 23, inaasahang tataas ang presyo ng diesel ng P20.40 hanggang P23.90 kada litro, gasoline ng P12.90 hanggang P16.60 kada litro, at kerosene ng P6.90 hanggang P8.90 kada litro.

Ayon sa DOE, ang ibinigay na price range ay para sa Metro Manila at mga urban area, ngunit maaaring mas mataas ang presyo sa mga malalayong lugar dahil sa mas mataas na transport costs at sariling computation ng ilang independent gas stations.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng DOE na ang pagtaas ng presyo ng langis ay bahagi ng staggered price increase na dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Sa kabila nito, tiniyak ng ahensya na may sapat na suplay ng fuel sa bansa, ngunit nagbabala laban sa pagho-hoard ng langis na maaaring makaapekto sa suplay, lalo na sa mga public utility vehicles (PUV).