-- ADVERTISEMENT --

Patay ang isang babaeng miyembro ng CPP-NPA matapos ang engkuwentro laban sa tropa ng 61st Infantry Hunter Battalion sa Sitio Naatip, Barangay Lahug, Tapaz, Capiz nitong Setyembre 13.

Kinilala ang nasawi na si Christine May Capaducio, alyas Sheryl, platoon medic ng Regional Headquarters KR-Panay at anak ni Lucia Capaducio, chairperson ng grupong PAMANGGAS.

Narekober ng mga sundalo ang isang M16 rifle, mga bala, bandolier, at ilang backpack mula sa pinangyarihan ng engkuwentro.

Ayon kay Lt. Col. Jekyll Julian Dulawan, Commander ng 61IB, lehitimo ang operasyon batay sa actionable intelligence at ulat ng mga residente, bilang bahagi ng kanilang misyon na protektahan ang komunidad laban sa banta ng armadong grupo.

Binigyang-diin din niya ang panawagang huwag magpalinlang sa propaganda ng NPA na nagdudulot lamang ng paghihirap sa mga pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kinumpirma ng mga dating rebelde na aktibong kasapi si Capaducio sa kilusan. Kasalukuyang nasa SOMO Funeral Homes sa Tapaz ang kanyang labi at hinihintay na makuha ng kanyang pamilya.

Nanawagan naman ang Philippine Army sa mga natitirang kasapi ng NPA na sumuko at samantalahin ang reintegration program ng gobyerno, dahil ang tunay na daan tungo sa kaunlaran ay kapayapaan, hindi armadong tunggalian.