-- ADVERTISEMENT --

Tinawag ng Makabayan bloc sa Kamara de Representantes na “distraction” o paglihis sa isyu ng korapsyon ang panawagan ni Senador Alan Peter Cayetano na magbitiw nang sabay-sabay ang lahat ng opisyal ng gobyerno at magsagawa ng snap elections.

Sa pahayag ng grupo, sinabi nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Co na sinusubukan umano ni Sen. Cayetano na ilihis ang atensyon mula sa pananagutan sa korapsyon, at ang mungkahi ay ilusyon lamang ng pagbabago sa halalang kontrolado pa rin ng mga dinastiya at tiwaling pulitiko.

Una rito, sa isang online post noong Oktubre 5, iminungkahi ni Sen. Cayetano na magbitiw sa puwesto ang Pangulo, Pangalawang Pangulo mga Senador, hanggang sa mga kongresista, at magsagawa ng snap election kung saan walang sinumang kasalukuyang opisyal ang maaaring tumakbo.

Aniya, ito raw ay “turning point” tungo sa renewal at revival ng bansa. Ngunit giit ng Makabayan, hindi nito malulutas ang isyu ng pananagutan at layon lamang nitong palamigin ang galit ng taumbayan sa gitna ng kontrobersiya sa umano’y korapsyon sa mga flood control projects.