Malugod na tinanggap ni House Deputy Minority Leader Leila M. de Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Partylist ang pormal na paghahain ng kaso ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng crimes against humanity na may kinalaman sa maramihang pagpatay (murder).
Ayon kay De Lima, ang hakbang na ito ay mahalagang yugto sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng Davao Death Squad (DDS) at ng “national network” ng mga death squad na umano’y itinatag at pinamunuan ni Duterte noong siya ay alkalde ng Davao at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Binigyang-diin ni De Lima na matagal nang sinimulan ng ICC ang proseso ng hustisya, partikular mula pa noong 2018, nang inanunsyo ng Office of the Prosecutor (OTP) ang preliminary examination sa mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra-droga.
Dagdag pa ng kongresista, hindi kulang sa babala at paalala si Duterte mula sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa Pilipinas. Aniya, pinili nitong balewalain ang mga ito, at ngayon ay kinakaharap niya ang resulta ng kanyang mga kilos.











