Idineklara ni Senate Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Lunes, Oktubre 20 ang kanyang net worth na mahigit P244 milyon.
Ayon kay Lacson, ang halaga ay mas mataas sa P58 milyon na kanyang idineklara noong magtapos ang kanyang termino ng Hunyo 30, 2022.
“When I left the Senate in 2022, along with two business partners, we engaged in some legitimate and successful real estate/trading business activities, hence the substantial spike in my net worth,” pahayag ni Lacson sa ipinadala niyang mensahe sa mga reporter.
Sabi ni Lacson, ang kanyang net worth noong Hunyo 30, 2022 ay P58,771,409.62 at nitong Hunyo 30, 2025, noong magbalik siya sa Senado, ang kanyang net worth ay P244,940,509.60.
Ayon sa senador, magbibigay siya ng karagdagang detalye ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth para sa 2025 kabilang ang kanyang ITR para sa taong 2023 at 2024.
Sabi ni Lacson, ang kanyang income tax return na inihain noong 2022, nagbayad siya ng P4,817.265 na income tax.
Sa inihain naman niyang ITR sa 2025 para sa taxable year 2024, nagbayad umano siya ng P11,834,033.37.