-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kahalagahan ng mabilisang pagpasa sa Magna Carta for Barangays upang mabigyan ng sapat na proteksyon at suporta ang mga opisyal ng barangay na itinuturing niyang “tunay na frontliners” ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng House Committee on Local Government nitong Huwebes, isinulong ni Dy ang House Bill No. 3533.

Layunin ng panukala na itaas ang antas ng sahod at benepisyo ng mga Punong Barangay, Kagawad, SK officials, at iba pang kawani ng barangay.

Sinabi ni Speaker Dy na bilang dating Barangay Captain, Mayor, at Gobernador, ang mga opisyal ng barangay ang unang nilalapitan ng mamamayan sa oras ng krisis at nagsisilbing katuwang sa pagpapatupad ng batas at kapayapaan.

“Kapag pinalakas natin ang barangay, mas nararamdaman ng taumbayan ang gobyerno,” pahayag ni Dy.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa dagdag-sahod, layon din ng Magna Carta na masiguro ang pagkakaroon ng maayos na barangay hall at health centers sa bawat komunidad.

Kumpiyansa ang Speaker na uusad ang panukala sa 20th Congress para sa kapakanan ng mga lokal na lider sa ilalim ng bisyon ng Bagong Pilipinas.

“Bilang dating mayor at gobernador, lalo pong tumibay ang aking paniniwala na ang barangay officials ang tunay na frontliner ng ating pamahalaan,” wika ni Speaker Dy.