Inihayag ni Julie “Dondon” Patidongan, whistleblower para sa mga nawawalang sabungero, noong Sabado na naniniwala siya na maaaring nasa ibang bansa na ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Sa isang panayam sinabi ni Patidongan na malabong sumuko si Ang sa mga awtoridad, idinidetalye niya ito bilang isang “not an ordinary person” na may international network.
Dagdag pa ni Patidongan na posible umanong umalis si Ang sa Pilipinas noong Disyembre 2025.
Matatandaan na noong Miyerkules, Enero 14 naglabas ng warrant of arrest ang regional trial court sa Sta. Cruz, Laguna laban kay Ang at 17 iba pa kaugnay ng kasong may kinalaman sa pagkawala ng ilang cockfighting enthusiasts.
Ayon sa batas, ang kidnapping with homicide ay non-bailable offense.
Batay sa court document na may petsang Enero 13, 2026, may mga address ang mga akusado sa Muntinlupa City, Laguna, at Batangas, at malinaw na itinakda ng korte na “NOT BAILABLE” ang kaso.
Kinumpirma naman ng PNP-CIDG na 17 sa 18 indibidwal na may arrest warrants ay nasa kustodiya na nila.
Kaugnay nito isang hiwalay na warrant din laban kay Ang at sa ilang iba pa ang inisyu noong Biyernes, Enero 16, ng regional trial court sa Lipa, Batangas.
Nauna nang humiling ang mga awtoridad ng Interpol red notice para kay Ang, habang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na base sa mga rekord, nananatili parin ang negosyante sa Pilipinas.
Ayon kay Patidongan, kung narito pa si Ang, posible aniyang nagtatago ito sa kanyang mga exclusive subdivisions.
Dagdag niya, na malamang daw ay nagtatago si Ang ng siya lang ang nakakaalam.
Sa kabilang dako matatandaan na nag-alok na ang mga awtoridad ng P10 million reward money para sa impormasyong magdadala sa pagkakaaresto ni Ang.











